NAGA CITY – Muli na namang nakaladkad ang pangalan ng kontrobersyal na pari sa Camarines Sur.
Ito ay si Fr. Paul Martino Tirao na inirereklamo naman ng sariling ina matapos umanong bantaan ang buhay ng kanyang mga kapatid.
Una rito, base sa mga pahayag ni Estrella Tirao, 75-anyos, ina ng naturang pari, nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan nila ng anak na nauwi sa pagbabanta nito.
Sinabi umano ng pari na kung magsusumbong ang mga kapatid ng kanyang ina sa Palasyo ng Archdioces of Caceres ay babarilin niya ang mga ito.
Dahil sa takot, agad nagreport si Ginang Tirao sa mga otoridad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Efren Nepomuceno ng Barangay San Francisco, nagpadala na aniya silang imbitasyon sa pari ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa itong tugon.
Kung maaalala, Hunyo 2018 ay biglang naging kontrobersyal ang pangalan ng ni Fr. Tirao matapos maging suspek sa pagpatay sa isang Jeraldyn Rapiñan na natagpuang nakahandusay sa isang lugar sa San Fernando.
Ibinunyag din ng pamilya Rapiñan na ang pari ang ama ng anak ng biktima.
Pero buwan ng Nobyembre sa kaparehong taon nang ibasura ng Provincial Prosecutor ang kasong murder na isinampa laban dito dahil sa umano’y kawalan ng sapat na ebidensya.