Mariing itinanggi ng Department of Education (DepEd) ang mga alegasyong hindi pa umano natatanggap ng mga kawani sa kanilang TV channel ang kanilang mga sweldo.
Sa isang aide memoire na may petsang Disyembre 2, sinabi ni Usec. Alain Pascua na nag-alok ang kompanyang Ei2Tech na pagmamay-ari ng TV host na si Paolo Bediones na i-train ang mga DepEd teachers at personnel sa paggawa ng mga TV lessons nang libre bilang proof of concept.
Para gawin ang proof of concept, kumuha ang kompanya ng 400 professionals at suppliers mula sa iba’t ibang networks na naapektuhan ng pandemya upang gumawa ng ilang mga episodes.
“The arrangement was output-based or dependent on a specific number of episodes for all the contractors,” wika ni Pascua.
“Allegations relative to Ei2Tech workers not receiving salaries are baseless because, as per Ei2Tech, there is no employer-employee relationship,” dagdag nito.
Ayon pa kay Pascua, iniulat ng Ei2Tech na may pagkaantala sa pagproseso ng full payments para sa mga contractors na nakumpleto na ang kanilang mga output.
Inihayag ng opisyal, sa 400 trabahador na kinuha ng nasabing kompanya, wala pa sa 10 ang hindi pa nakatatanggap ng bayad dahil sa nag-resign o may unprocessed bank accounts ang mga ito.
Nitong nakalipas na linggo, pinuna ng Alliance of Concerned Teachers ang kagawaran matapos makatanggap sila ng ulat na may ilang DepEd TV staff ang hindi pa nakakakuha ng kanilang sahod.