Nakalusot ang Paraguay sa isang 1-0 na panalo laban sa Turkey nitong Biyernes sa World Cup, kahit pa mahigit kalahati ng laro na kulang sila sa tao matapos mapatalsik ang isa nilang manlalaro.
Umiskor si Matias Galarza sa unang 65 segundo pa lang ng laban na siyang naging pinakamabilis na goal sa World Cup ngayong taon.
Dahil sa panalong ito ng Paraguay, opisyal nang kampeon sa Group D ang United States habang tuluyan namang napatalsik ang Turkey sa knockout round matapos ang dalawang sunod na pagkatalo.
Naging mitsa ng kamalasan ng Paraguay nang patawan ng red card si Miguel Almiron sa huling bahagi ng first half.
Ito ay matapos niyang labagin ang bagong patakaran na nagbabawal sa mga manlalaro na takpan ang kanilang bibig kapag may nakakaalitan sa loob ng field.
Sa kabila nito, naging bayani ng Paraguay ang goalkeeper na si Orlando Gill na sinalo ang sunod-sunod na sipa ng Turkey.
Dominante ang Turkey sa laro kung saan nakatira sila ng 32 shot kumpara sa 7 lamang ng Paraguay, ngunit bigo silang makapuntos.
Ito ang unang pagbabalik ng Turkey sa World Cup matapos ang 24 na taon, kaya naman tinawag ng kanilang midfielder na si Arda Guler na “nakakahiya” ang kanilang naging performance.
Nakatakdang harapin ng Paraguay ang Australia sa darating na Huwebes para sa huling laban sa group stage, kung saan kailangan nilang manalo upang makuha ang ikalawang puwesto sa grupo at umabante sa susunod na round.// Bombo Ivan Rizada










