-- Advertisements --

Muling umapela si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang insertion sa 2021 national budget na magtatanggal sa forensics laboratory ng ahensya.

Binigyang-diin ni Acosta na dapat panatilihin ang forensic laboratory ng PAO lalo na ang pitong regular employees nito na nanganganib matanggal sa trabaho.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na posibleng i-veto ni Pangulong Duterte ang mga unconstitutional provisions na nakapaloob sa P4.5 trillion national budget matapos aprubahan ng Senado at Kamara ang bicameral conference committee report ng budget.

Nakasaad kasi sa “extremely urgent requst” ni Acosta sa Presidente na ang probisyong isiningit nina Senators Franklin Drilon at Sonny Angara sa 2021 General Appropriations Act ay iligal at taliwas sa batas.

Malinaw din aniya itong paglabag sa rules and regulations ng Civil Service Commission.

Ang tinutukoy dito ni Acosta ay ang one-sentence insertion kung saan nakasaad na wala nakasaad sa appropriation na gagamitin ito para sa sahod o kompensasyon ng mga empleyado, travel allowance, meetings, maintenance at iba pang operating expenses ng PAO Forensic Laboratory Division.

Ayon kay PAO chief, base sa Reupblic Acts 9406 o PAO Law, 9745 o Anti-Torture Law at 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ay nagbibigay ng mandato sa ahensya na gawin nito ang kanilang tungkulin na tulungan ang mga mahihirap na Pilipino na hindi kayang gumastos sa kanilang legal service.

Ang mga empleyado raw kasi ng Forensic Lab ay pinagkakaitan ng sahod at iba pang benepisyo. Hindi rin nagkaroon ng tsansa si Acosta o ang mga lab personnel na mapakinggan sa isinagawang congressional deliberations at Bicameral Conference Committee.

Malaki umano ang nagagawa ng laboratoryo lalo na sa evidence-gathering at case build-up, napatunayan na rin nito ang kanilang kakayahan sa Dengvaxia controversy nang magsagawa ito ng autopsies sa 158 na mag-aaral na namatay makaraang turukan ng dengue vaccine.

Hirit pa ni Acosta, kung wala ang forensics lab ng PAO ay mapipilitan kumuha ng private forensic experts ang mga indigents na humahamon sa forensic findings ng mga otoridad, National Bureau of Investigation (NBI) o Commission on Human Rights (CHR).

Tanging si Duterte na lamang daw ang pag-asa ng PAO at ng milyon-milyong mahihirap na naghahanap ng hustisya at nakadepende sa legal assistance na ibinibigay ng ahensya.