-- Advertisements --

Inaprubahan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang bagong patakaran sa minimum safe manning para sa mga Philippine-registered ships sa loob ng bansa upang masiguro ang kaligtasan sa dagat at palakasin ang kakayahan ng mga marino.

Sa ilalim ng ‘Revised Rules and Regulations on Minimum Safe Manning for Philippine-Registered Ships Operating in Philippine Waters’, magiging limang (5) taon na ang bisa ng Minimum Safety Manning Certificate (MSMC), alinsunod sa direktiba ng pamahalaan na gawing mas mahaba ang validity ng mga dokumento.

Mananatiling epektibo ang kasalukuyang Safety Manning Certificate habang may transisyon pa at papayagang pansamantalang ma-promote ang kwalipikadong opisyal kahit wala pa ang kaukulang Domestic Certificate of Competency (DCOC) hanggang Enero ng susunod na taon.

Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, binuo ang patakaran matapos ang serye ng konsultasyon at pulong kasama ang iba’t ibang ahensya at stakeholders upang balansehin ang operasyon at kaligtasan sa dagat.

Layunin din ng reporma na magbigay ng mas maraming oportunidad para sa mga marino at tiyaking sapat ang bilang ng mga opisyal na magmamando ng mga barko sa bansa.

Samantala, tiniyak din ni Malaluan na patuloy ang kanilang ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa monitoring ng mga seafarers sa karagatan. Dagdag pa ng ahensya na sa bagong MARINA Circular, may inilaan sila na kailangan sagutan ng shipping lines upang ma-monitor din nila ang kalagayan ng mga marino.