-- Advertisements --

Ilang minuto lamang matapos ang opisyal na panunumpa bilang Alkalde nitong Huwebes, Hunyo 30, agad na nag-trabaho si Taguig City Mayor Lani Cayetano at binisita ang mga programa na pangunahing isinusulong ng kanyang administrasyon: ang kalusugan, pagpapa-unlad ng ekonomiya at ang
katiwasayan at kaayusan sa nasasakupan.

Binisita ni Mayor Lani ang Taguig Love Caravan sa Barangay Balagtas Covered Court, Lower Bicutan kung saan maraming mga Taguigeño ang nakinabang at nabiyayaan ng libreng serbisyong medikal at dental, kasama na rito ang konsulta, wellness checkup, laboratory test, libreng bunot at palinis ng ngipin na una niyang inilunsad noon pang 2010.

Inihayag din ni Mayor Lani na kanyang ipagpapatuloy, palalakasin at palalawakin ang mga programang pangkalusugan na inumpisahan naman ni dating Mayor Lino Cayetano kasama rito ang pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.

Bilang bahagi ng programa sa pag-unland ng ekonomiya , binisita ni Mayor Lani ang Work for Pay Orientation na ginanap sa R.P Cruz Elementary School, kung saan mahigit 200 benepisaryo ng programa ang dumalo.

Ang mga dumalo rito ay mula sa mga barangay ng New Lower Bicutan, Lower Bicutan, Hagonoy, San Miguel, Tuktukan at Bambang. Ang proyektong Work for Pay ay para sa mga Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged (TUPAD) Workers ng Department of Local Employment. Layunin nito na tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng pandemya na hindi sakop ng ayuda ng pamahalaang nasyonal.

Ang programang TUPAD ay pinondohan sa ilalim ng batas na Bayanihan 1 at 2, na isinulong ng balik-senado na si Senator Alan Peter Cayetano at Mayor Lani noong sila ay nagsisilbi bilang kinatawan sa Kongreso.

Sa larangan ng katiwasayan at kaayusan, ang nakipag-pulong si Mayor Lani kay Taguig chief of police Robert Baeza at Barangay Captain Pedrito Bermas sa Western Bicutan barangay hall, kung saan inilatag niya ang mga plano upang mapanatili ang kaayusan sa syudad at magpatuloy na taguri bilang safe city.

Sinabi rin ni Mayor Lani sa talumpati nito sa kanyang Panunumpa sa Sen. Renato “Compañero” Cayetano Memorial Science and High School na ang kanyang administrasyon ay magpapatuloy na isulong at ipatupad ang mga nasimulang proyekto ng nagdaang administrasyon sa pagpuksa sa COVID-19; palalawakin ang pag-unlad ng ekonomiya at pagbibigay ng trabaho sa lungsod, at palalakasin pa ang programang kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng mga diyalogo sa mga stakeholder nang sa gayon ay maging matatag ang kontra-krimen na gawain ng lungsod.

“Sa pagpanalo at pagbigay tiwala sa Team Lani ng mga Taguigeño, nakasalalay rito ang milyong pangarap at milyong buhay, na patuloy na nakasalalay sa ating gabay at liderato. Mga ginigiliw kong Taguigeño, handa na ako bilang lingkod-bayan po ninyo, handa na po akong paglingkuran kayo bilang Punong Lungsod ng Taguig. Nawa ay handa na rin po kayong samahan ako,” saad pa ni Mayor Lani.

Matapos ang Panunumpa, pinangunahan naman ni Mayor Lani ang dedication ceremony sa City Hall na tinawag na Pag-aalay. Dumalo ang mga empleyado at pinuno ng mga departamento sa lungsod.

Inialay ni Mayor Lani ang buong City Hall at ang trabaho ng mga empleyado rito sa Panginoon, na siyang sentro ng kanilang panunungkulan sa tao at sa syudad.

Pinirmahan din ni Mayor Lani ang kanyang unang executive order, kung saan ginagawang institusyunal ang faith-based values-oriented leadership sa Taguig. Sa ilalim ng Executive Order No. 2022-01 Series of 202, itinatag ni Mayor Lani ang programang isulong ang moralidad at values formation upang masiguro na lahat ng empleyado ng Taguig ay magsisilbi sa mga Taguigeño ng may katapatan at integridad sa pamamagitan ng “God-centered and people-oriented” na lokal na pamahalaan.

Ang EO ay may layunin ding ipatupad ang patas na serbisyo at iwaksi ang ano mang korapsyon sa gobyerno.

Matapos ang palatuntunan sa City Hall , nagtungo si Mayor Lani sa Taguig Love Caravan, TUPAD Work For Pay Orientation, at sa puling ng mga opisyal ng barangay at ng lokal na pulisya .

Sa pagtatapos ng araw, nagkaroon din ng inaugural celebration na
tinawag na Panata . Ang mga nahalal na opisyal ay sama-samang nangako na magsisilbi para sa Diyos, bayan at tao nang buong puso at nang walang kinikilingang estado sa buhay.