Hati ang apat na dating mahistrado ng Supreme Court sa usapin ng 16-vote treshold o kinakailangang boto para ma-convict ang isang impeachable official.
Unang inimbitahan ng impeachment court sina dating CJ Artemio Panganiban, dating CJ Reynato Puno, dating Associate Justice Adolfo Azcuna, at dating CJ Hilario Davide Jr. para magbigay ng kani-kanilang pananaw at legal opinion sa naturang usapin.
Binasa sa impeachment court ang legal memorandum ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr. kung saan ipinaliwanag nito na ang mga katagang ‘all the members of the Senate’ ay tumutukoy lamang sa mga senador na may pisikal at legal na kapasidad na lumahok at bumoto.
Iginiit niyang hindi kasama sa pagbibilang ng threshold ang mga miyembrong nagbitiw na, napatalsik, may malalang sakit na mental o pisikal, nagtatago sa batas, at nasa labas ng bansa.
Hindi rin aniya dapat isama sa pagbibilang ang mga senador na may ‘legal impediments’, kabilang ang mga nahaharap sa kasong plunder at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin ang mga nakakulong o nagsisilbi na ng sentensya.
Sa pagharap ni dating Supreme Court CJ Artemio Panganiban, isa sa kaniyang pinakamahalagang katanungan ay kung tama at patas bang hayaan ang mga senador na bumuto kahit na sila ay absent, nagtatago, nasa abroad, nakadetene, o nagkakasakit?
Tanong pa ng dating Punong Mahistrado, patas bang hayaan silang bumuto kahit na hindi nila na-access at nasuri ang mga dokumento, hindi nila narinig ang mga testimoniya, at hindi man lang naobserbahan ang ikinikilos ng mga witness?
Nanindigan naman si dating Supreme Court Chief Justice Renato Puno na maaari pa ring magbigay o mag-render ang isang judge ng kaniyang judgement kahit na hindi niya personal na nakita o nasuri ang kilos o demeanor ng mga testigo o ng isinasakdal.
Inihalimbawa ng dating Punong Mahistrado ang isang judge ng Regional Trial Court (RTC) na pumalit sa nagretiro o nailipat na judge.
Ayon kay CJ Puno, maaaring magdesisyon o magbigay ng judgement ang pumalit na judge sa mga kasong dininig ng kaniyang pinalitang judge.
Maaari aniyang panuurin, basahin, o pakinggan ng naturang judge ang record ng korte, para magabayan siya sa pagdedesisyon.
Pabor naman si retired Associate Justice Adolfo Azcuna na makaboto ang mga senador na hindi nakabuo sa lahat ng trial days.
Katwiran ng dating mahistrado, dapat pa rin silang payagang bumoto dahil ang tribunal ay may sariling record kung saan lahat ng proceedings ay nakatala, at maaari lamang balikan, panoorin, at suriin ng mga senator-judge.
Taus-puso namang nagpasalamat ang Senate Impeachment Court sa presensiya at pagbibigay ng legal opinion ng mga dating mahistrado ng Korte Suprema sa 16-vote treshold.
Matapos ang presentasyon ng apat na dating mahistrado, nagdeklara si Trial Presiding Officer, Sen. Chiz Escudero ng maikling recess para ‘ma-digest’ ang aniya’y napakaraming impormasyon na ibinigay ng mga legal luminary sa impeachment court.
Giit ni Sen. Chiz, malaki ang itinalino ng lahat na naroon sa korte matapos marinig ang legal opinion ng mga dating mahistrado.















