-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga freelance workers.

Sa sesyon ng Kamara ngayong araw, inaprubahan ng 195 kongresista sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8817 o ang Freelance Workers Protection Act.

Sa ilalim ng panukala, required na ang written contract sa pagitan ng mga freelancer at ng hiring party, para maging mas accessible at madali ang karapatan ng mga manggagawang ito.

Nakasaad din sa panukala na ang mga freelance workers na kailangan pumasok sa opisina o iyong mga may field assignments ay kailangan na bigyan ng night differential na hindi bababa ng 10 percent ng kanilang regular na compensation sa kada oras ng trabaho sa pagitan ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.

Dapat na ibigay din sa mga manggagawang ito ang kanilang sahod sa loob ng 15 araw.

Kailangan din magbayad ng mga freelancers ng kanilang income taxes kada taon.