Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes na ipagpapaliban muna ng ahensya ang planong pagbaba ng maximum suggested retail price (MSRP) ng imported na bigas sa P43 kada kilo na sana’y ipapatupad simula Hulyo 1.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang desisyon ay bunga ng patuloy na pagbabago ng sitwasyon sa pangdaigdigang merkado, lalo na ang lumalalang tensyon sa pagitan ng U.S., Israel at Iran na na nagdadala ng banta sa pandaigdigang supply ng langis.
Sa kasalukuyan, nananatiling nasa P45 kada kilo ang MSRP ng imported na bigas mula pa noong Marso 31, 2025, kasabay ng pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.
Ipinaliwanag ng DA na ang pagtaas ng presyo ng langis ay may domino effect sa agrikultura—hindi man direktang ginagamit ang krudo sa paggawa ng abono, ang natural gas nito ay isang mahalagang sangkap sa paggawa ng ammonia para sa pataba.
Dagdag pa rito, tumataas din ang gastos sa transportasyon ng mga input sa agrikultura.
Nabanggit din ng kalihim ang plano ng ahensya na magtakda ng suggested retail price para sa imported na baboy sa Agosto, ngunit hindi pa tiyak ang presyo dahil sa patuloy na pabago-bagong galaw ng merkado.