-- Advertisements --

Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang naglalayong ipagbawal ang anumang uri ng diskriminasyon sa tao dahil sa lahi, ethnicity, relihiyon nito.

Sa viva voce votes, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang House Bill No. 8243, o ang proposed “Equality and Non-Discrimination on Race, Ethnicity, and Religion Act,” para maprotektahan ang karapatan ng bawat isa pagkakapantay-pantay.

Sa ilalim ng panukala, ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon sa isang tao dahil sa lahi, kulay, national o ethnic origin, relihiyon, religious affiliations, o mga paniniwala nito.

Sinuman ang mapapatunayang lumabag dito ay paparusahan nang pagkakakulong ng 30 araw hanggang anim na buwan, o multa na P10,000 hanggang P100,000, o puwede ring dalawa rito, dipende sa bigat ng pagkakasala.

Kung ang nagkasala ay corporation, partnership o association, ang officer, agent, o empleyado nito ang siyang mahaharap sa pagkakakulong.

Parehas na parusa ang ipapataw kung ang offender ay ascendant, magulang, guardian, stepparent, o collateral relative sa second degree of consanguinity o affinity ng biktima, o manager o may-ari ng isang establisiyemento na wala o paso na ang lisensya para makapag-operate.

Kung ang nagkasala naman ay foreigner, pababalikin ito kaagad sa bansang kanyang pinanggalingan at pagbabawalang makabalik ulit ng Pilipinas.

Nakasaad din sa panukala ang tulong na maaring matanggap ng mga biktima katulad na lamang ng restitution, compensation at rehabilitation, dipende sa kung ano rito ang igagawad ng korte.