Hinimok ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang Kamara na magpasa ng panukalang batas na naglalarawan sa mga hangganan ng dagat, kabilang ang 200-miles exclusive economic zone ng bansa.
Ang panawagan ni Rodriguez ay kasunod ng naiulat na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia kaugnay sa mga patakaran kung paano lilimitahan ang overlapping territorial boundaries ng dalawang bansa.
Ang kasunduan ay bunga ng naging pagbisita sa Jakarta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang buwan.
Binigyang-diin ni Rodriguez na ang inaasahang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at ng Indonesia ay dapat mag-udyok sa Kongreso na aprubahan na ngayon ang isang maritime zones bill.
Naniniwala kasi si Rodriguez, na ang naturang batas ay magsisilbing framework for negotiation sa mga territorial limits sa pagitan at sa mga bansang nag-aangkin ng mga islet at maritime area sa West Philippine Sea.
Magsisilbi din itong sandata sa pagpapatupad ng ating mga batas gaya ng paggalugad ng mga mapagkukunan at pagprotekta sa mga mangingisda.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi dapat matakot ang Kongreso sa magiging reaksyon ng China sa pagsasabatas ng naturang batas dahil karapatan ito ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS).
Sinabi ni Rodriguez na hindi dapat mag-alala ang Pilipinas kung ano ang sasabihin ng mga Intsil dapat ang isipin ang ating national interest.
Isinusulong ng Mindanaon lawmaker ang House Bill No. 2467 “An Act declaring the maritime zones under the jurisdiction of the Philippines kung saan ipinasa ito ng Kamara ngunit inupo lamang ito ng Senado.
Kabilang sa proposed definition ni Rodriguez ang maritime territory ng bansa ang Scarborough o Panatag Shoal na sinakop ng mga Tsino sa Zambales at Pangasinan, na mas kilala bilang Bajo de Masinloc, isang tradisyunal na fishing ground ng mga Pilipino.
Ipinunto ni Rodriguez na pinapayagan ng UNCLOS ang mga party-state na tukuyin ang kanilang maritime territory.
Malaking bahagi ng EEZ ng Pilipinas ang inaangkin ng China, na ginawang mga military installation ang ilang pinagtatalunang isla lalo na ang Scarborough Shoal na ngayon ay kontrolado na ng Beijing.