Inaprubahan na ng House Committee on Ways and Means ang substitute bills na naglalayong bigyan ng exemption sa income at iba pang withholding taxes ang honoraria ng mga poll servers.
Sinabi ng chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Sarte Salceda na magkakaroon ng probisyon ang substitute bill na mag-aamiyenda sa National Internal Revenue Code of 1997, as amended, para hindi isama ang election-related honoraria at allowances sa computation ng gross income ng mga poll servers.
Mababatid na kabilang sa mga nagsisilbi tuwing halalan ay ang mga guro na tumatayo bilang Board of Election Inspections pati na rin ang iba pang election personnel.
Ang mga ito ay binibigyan ng allowances kapalit ng kanilang serbisyo sa national at local elections sa ilalim ng Election Service Reform Act.
Base sa datos mula sa Commission on Elections, aabot ng P56.8 million ang witholding tax noong 2019 local at national elections.