-- Advertisements --

Sa botong 177-0, inaprubahan ng House of Representatives sa 3rd and final reading ang panukalang batas upang magkaroon ng mekanismo at pamantayan sa pagdedeklara ng state of imminent disaster at makapagbigay ng naaayong tugon dito ang pamahalaan.

Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pangunahing may-akda ng House Bill No. 11430, na layon ng panukalang batas na maiwasan ang pagkawala ng buhay, pagkasira ng mga ari-arian, at kabuhayan sa panahon ng sakuna o kalamidad, maging ito man ay likas o gawa ng tao.

Ipinunto ni Speaker Romualdez na ang Pilipinas, na nasa Pacific typhoon belt, ay dinadaanan ng humigit-kumulang 20 bagyo kada taon na nagdudulot ng pagkaantala sa pamumuhay at mga aktibidad sa ekonomiya, at maging pagkasawi. Dahil sa pagbabago ng klima, mas lumalakas ang mga bagyo.

“The proposed Declaration of State of Imminent Disaster Act will enable the national government, local government units, and our communities to better prepare for and respond to disasters or natural calamities. Better preparation and responses will save lives, properties, and livelihoods,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Binibigyang kapangyarihan ng HB 11430 ang Pangulo na ideklara ang State of Imminent Disaster sa isang grupo ng mga barangay, bayan, lungsod, lalawigan, o rehiyon gamit ang mga patnubay mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Maaari ring magdeklara ang local chief executive (LCE), sa pamamagitan ng executive order batay sa rekomendasyon ng lokal na DRRM council o ng state of imminent disaster sa kanyang hurisdiksiyon.

Sa ilalim ng deklarasyon, maaaring gamitin ng mga pambansa at lokal na DRRM council ang kani-kanilang mga rekurso at mekanismo upang isagawa ang mga hakbang na makaiiwas sa sakuna.

Ang sinumang lalabag ay maaaring patawan ng pagkakakulong mula anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon, o multa mula ₱50,000 hanggang ₱500,000, o pareho, depende sa desisyon ng hukuman.

Ang mga opisyal ng pamahalaan na mahuhuli ay papatawan din ng habangbuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.