Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong magtatag ng coco levy trust fund, na nakikitang makakatulong sa mga magsasaka pati na rin sa pagyabong ng coconut industry sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng voice vote, inaprubahan ng mababang kapulungan ng Kongreso sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 8136, o ang proposed “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act”.
Ayon kay Quezon Rep. Mark Enverga, sponsor ng panukala, ang paggamit ng trust fund ay salig sa Coconut Farmers and Industry Development Plan.
Sinabi ni Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture, na sa Coconut Farmers and Industry Development Plan, ang mga directions at policies para sa rehabilitation at development ng coconut industry ay itatakda sa loob ng 99 taon.
Layunin ng planong ito na mapataas ang kinikita ng mga coconut farmers, ma-rehabilitate at gawing moderno ang industriya upang sa gayon ay mas mapalakas din ang productivity.
Nabatid na ang coco levy fund, cash man o assets, ay tinatayang aabot ng nasa P100 billion.
Nanggaling ito sa additional tax collections na ipinataw sa mga coconut farmers sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.