Sinimulan na ng House Committee on Ways and Means ang pagtalakay sa panukalang naglalayong buwisan ng P10 na excise tax ang kada kilo ng single-used plastic na ginagawa sa bansa.
Ang orihinal na bersyon ng House Bill No. 781 na inihain ng mag-asawa na sina Nueva Ecija 1st District Rep. Estrellita Suansing at Sultan Kudarap 2nd District Rep. Horacio Suansing Jr. papatawan ng P10 excise tax ang kada piraso ng single-use plastic bags.
Pero sa pagdinig ngayong araw, inirekominda ni Estrelita na baguihin ito at gawin na lamang P10 kada kilo ang buwis sa bawat kilo ng plastic bag na may handle man o wala.
Nakasaad din sa panukala na 50 percent ng kita mula sa buwis na makokolekta rito ay ilalaan sa solid waste management fund habang ang natitira ay mapupunta sa general fund.
SInabi ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua na posible ang panukala na ito para sa mga malalaking supermarkets pero tiyak na negatibo naman ang epekto sa mga maliliit na mga pamilihan na kadalasang gumagamit ng single-use plastic bags.
Pinangangambahan din ni Cua ang malaking negatibong epekto nito sa ekonomiya ng bansa.