-- Advertisements --

Itinutulak sa Kamara ni Deputy Speaker at Las Pinas Representative Camille Villar ang panukalang batas na gawing mandatory para sa mga empleyado sa pribadong sektor na anuman ang estado ng kaniyang employment dapat ay mabigyan din ito ng 13th month pay.

Sa House Bill No. 6541 o ang Proposed 13th Month Pay Law for Contractual and Job Order Personnel, layon nito na mabigyan ng benepisyo ang nasa libu-libong job order at contractual personnel na nagtatrabaho sa gobyerno lalo at patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin bunsod ng pagtaas ng inflation rate.

Sinabi ni Congresswoman Villar na itong mga empleyado na may temporary ang status, karamihan sa kanila ay matagal na rin sa ilang mga government agencies at state-owned corporations kaya ang kanilang mga experience sa trabaho ay kagaya na rin sa mga regular employees.

Walang benepisyo ang mga contractual employees tanging sahod lamang ang kanilang inaasahan.

Dahil dito, sinabi ng mambabatas na panahon na para mabigyan din sila ng 13th month pay ang mga ito.

Sa ilalim ng nasabing panukala, ang mga contractual employees na nakapag render ng tatlong buwan sa gobyerno ay dapat mabigyan na ng 13th month pay na hindi bababa sa kalahati ng buwanang suweldo na natatanggap ng nasabing manggagawa.

Batay sa datos nasa 493,900 ang appointed bilang job order personnel at 148,100 naman ang na-hire bilang contractual basis.

Sa ngayon nai-refer na sa House Committee on Appropriations ang nasabing panukala.