-- Advertisements --

Pasado na sa House Committee on Government Enterprises ang House Bill No. 207, panukalang batas na nagpapababa ng optional retirement age ng government workers, kabilang ang mga guro sa pampublikong paaralan sa 56 anyos mula sa 60.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, na isa sa co-author ng panukalang batas, isang mahalagang hakbang ang pag-apruba ng komite sa naturang panukala tungo sa mas makataong retirement policy para sa mga guro at empleyado ng gobyerno na inilaan ang kanilang buhay sa serbisyo publiko.

Nagbibigay din aniya ang panukalang batas ng pagkakataon para sa tunay na pagpili upang makapagretiro sa edad na 56 matapos ang matinding pagod o “burnout” na dulot ng napakabigat na trabaho.

Iginiit din ng mambabatas na ang naturang panukala ang sagot sa matagal ng hinihiling ng mga guro.

Binigyang-diin naman niya na ang panukalang batas ay hindi nagbabawas sa edad ng sapilitang pagreretiro (compulsory retirement), kundi pinalalawak ang opsyon para sa mas maagang pagreretiro. Ito ay nagbibigay-daan sa mga napagod na o “worn down” na sa dekadang pagtatrabaho na magretiro nang mas maaga kung pipiliin nila.