Isinusulong sa Kamara ang isang panukalang batas na mahinto na ang paggamit ng “toss coin” tuwing may “tie” o tabla sa mga eleksyon.
Ito ang House Bill 9796 na inihain bi Cotabato 3rd district Rep. Alana Samantha Taliño-Santos.
Ipinunto ni Santos sa kaniyang panukala na ngayong naghahanda na para sa halalan 2025, kailangang magkaroon ng batas para sa pagresolba ng mga tabla sa halalan.
Sinabi ni Santos, layon ng kanyang panukala na matuldukan na ang kawalan umano ng “fairness” na dala ng toss coin, na sumisira sa demokratikong proseso, at prinsipyo ng “majority rule.”
Sa ilalim ng House Bill ni Santos, aamyendahan ang Section 240 ng Batas Pambansa Bilang 881, o Omnibus Election Code of 1985.
Sa sandaling maging ganap na batas kung mayroong dalawa o higit pang kandidato na makakakuha ng parehong pinaka-mataas na bilang ng boto, ang pinal na resulta ay ita-transmit sa Sanggunian na magdaraos ng “special session.”
Ang Sanggunian ang magba-break ng tie sa pamamagitan ng “majority vote” ng mga miyembro, at magpo-proklama ng nanalong kandidato.
Sakali namang ang posisyon ay district Representative o district Sanggunian member ang mga miyembro ng Sanggunian ng naturang distrito ang boboto.
At kapag ang kaso ay tabla sa pagka-Senador ang nahalal na 23 senador ang sila-silang magbobotohan kung sino ang huling Senador na kukumpleto sa kanilang roster.