-- Advertisements --
SENATOR BATO DELA ROSA

Sa gitna ng mga isyung bumabalot ngayon sa Philippine National Police (PNP), plano ni dating PNP chief at kasalukuyang Senator Ronald Bato Dela Rosa na maghain ng isang panukalang batas na magi-institutionalize sa police operational procedures sa pagsasanay ng mga pulis.

Ito ay kasunod na rin ng kinasangkutang mga kontrobersiya kamakailan ng PNP kabilang ang mistaken identity sa napatay na binatilyo na si Jemboy Baltazar, dalawang magkahiwalay na road rage incident na kinasasangkutan ng mga dating pulis at umano’y pagpositibo sa iligal na droga ng hepe ng Mandaluyong Police station.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang Senador na sangkot sa naturang mga insidente ang PNP subalit hindi aniya perpekto ang organisasyon.

Ipinaliwanag din ni Dela Rosa na ang puno’t dulo ng isyu ay kasunod ng maling paggamit ng pwersa at kawalan ng kaalaman sa procedure na nais aniya ng Senador na maresolba sa pamamagitan ng pagbalangkas ng legislation para malinang ang police training sa operational procedures.

Sinabi din ng Senador na nasa kamay na ni PNP Chief Benjamin Acorda ang pagsalba sa reputasyon ng PNP sa pamamagitan ng pagtitiyak na maibabalik ang pwersa ng kapulisan sa tama at maiwasan ang maling mga gawain.

Samantala, ayon pa kay Sen. Batao maiging pinag-aaralan na rin ang pagbabalik ng kapangyarihan sa Philippine National Police (PNP) sa pagtatalaga ng hepe ng organisasyon.

Ito ay sa layong maiwasan ang political color at bias sa pagtatalaga ng hepe ng Pambansang Pulisya at hindi magiging kwestyonable.