Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas para kilalanin ang mga “sea wardens” o “Bantay Dagat” volunteers bilang mga force multipliers sa civilian law enforcement agencies na nangangalaga ng karagatan ng coastal municipalities.
Inihayag ni Estrada na tagapangulo ng Senate Committee on National Defense and Security na bagama’t nagtutulong-tulong ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, maraming ilegal na gawain sa karagatan ng bansa ang hindi natututukan.
Sa pagtatalaga ng accredited Bantay Dagat volunteers o sea wardens na sumailalim sa mga programa sa pagsasanay ukol sa pagpapatupad ng mga batas sa pangingisda, ani Estrada na mapapahusay nila ang kapasidad ng civilian law enforcement agencies sa pangangalaga sa karagatan ng bansa laban sa mga ilegal at kriminal na gawain.
Inirekomenda ng Senador na isabatas ang pagbibigay ng insentibo at benepisyo sa Bantay Dagat volunteers bilang pagkilala sa panganib na kaakibat sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Binigyan-diin ni Estrada na ang mga mangingisda ay magsisilbing frontliners sa pagprotekta sa mga baybayin, karagatan at yamang dagat ng bansa.
Sa ilalim ng panukalang batas ng Senador, ang local government units (LGUs) ay obligadong maglaan ng regular na pondo para sa mga benepisyo at insentibo ng sea wardens at sa kanilang operational requirements. Ang national government, sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ay magbibigay ng taunang subsidy sa mga LGU na magtatatag ng sarili nilang grupo ng Bantay Dagat.