-- Advertisements --
image 184

Isinusulong ng isang mambabatas ang isang panukalang batas na naglalayong madagdagan ang bilang ng paid service incentive leave credits ng mga empleyado sa 10 mula sa kasalukuyang 5.

Layunin ng inihaing Senate Bill No. 1511 na amyendahan ang probisyon sa ilalim ng Labor Code of the Philippines kung saan nakasaad na bawat empleyado na nakapag-render ng kahit isang taon pa lamang sa trabaho ay entitled na makatanggap ng taunang service incentive leave na limang araw.

Iginiit ni Senator Lito Lapid na siyang may akda ng naturang panukala na hindi lamang ang mga empleyado ang makikinabang dito kundi maging ang kanilang mga employer dahil makakapag-improve pa ito sa morale ng empleyado, well-being, productivity at pananatili ng empleyado sa trabaho.

Ang mahalagang aspeto sa kapakanan at benepisyo ng mga manggagawa ay ang pagbibigay ng leaves sa mga ito upang magkaroon ng oras para sa kanilang mga pamilya , makapagbakasyon at magkaroon din ng oras para sa kanilang sarili.

Magandang paraan din ito para maiwasan ang stress at burnout sa trabaho at maitaguyod ang balanseng pamumuhay at pagtratrabaho.

Subalit sa ilalim ng naturang panukalang batas, may mga exemptions sa ilalim ng Presidential Decree No. 442 kung saan hindi sakop dito ang mga empleyado na mayroong 10 days paid service incentive leave at mga nagtratrabaho sa mga establishments na may mas mababa sa 10 empleyado.

Una rito, inaprubahan sa huling pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang kaparehong bill, ito ang House Bill No. 988 na akda ni Rep. Mark Go nitong linggo lamang.