-- Advertisements --
image 125

Target na maipasa sa Senado ang panukalang batas na naglilimita sa saklaw ng 3-year fixed term sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng unang quarter ng 2023.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri na nais nilang maamyendahan ang Republic Act 11709 na naggagawad ng 3-year fixed term para sa chief of staff at iba pang senior military officers sa AFP na nilagdaan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang kaniyang termino.

Sinabi din ng Senate President na nakausap na niya si Senator Jinggoy Estrada na tumatayong chair ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation at nakabuo na rin ng technical working group para pag-aralan ang naturang panukala.

Aniya, makakatulong ang amendment sa stability sa military establishments sa gitna ng mga agam-agam na unrest sa AFP personnel.

Nakatakda namang talakayin ng Senado sa susunod na linggo ang panukalang batas na naglilimita sa coverage ng 3-year fixed term para sa apat na high-ranking military officials.

Una ng na-certify ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang bersyon ng kamara na House Bill 6517 na layong amyendahan ang RA 11709.

Ayon sa Pangulo, ang panukalang batas ay magpapaganda ng mga polisiya at inisyatibo tungo sa pagpapanatili ng isang responsive at professional na mga personnel ng AFP.

Layunin ng batas na malimitahan ang fixed tour of duty sa tatlong magkakasunod na taon maliban na lamang kung ito ay i-terminate ng Pangulo kabilang dito ang Armed Forces chief of staff,Commanding general of the Philippine Army,Commanding general of the Air Force, at Flag-officer-in-command of the Philippine Navy.

Habang ang commanding generals ng Army, Air Force, at Navy chief ay hindi eligible sa anumang posisyon maliban na lamang kung ito ay ma-promote sa chief of staff.

Sa ilalim ng panukala, hindi naman kabilang mula sa coverage ng 3-year tenure ang vice chief of staff, deputy chief of staff, unified command commanders, at inspector general.