Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang isang panukalang batas o ang House Bill No. 8898 na nagbabasura sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.
Nakasaad sa panukala na inihain ni House Deputy Speaker at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na
bagama’t mabuti ang layunin ng Oil Deregulation Law, hindi ito matagumpay sa pagpapababa ng presyo ng gasolina at pagsuri sa unilateral na galaw ng mga presyo ng langis upang diktahan ang presyo ng petroleum products.
Binibigyang-diin din ng panukala ang pangangailangan na muling isulong ang kontrol ng gobyerno sa mga presyo ng mga produktong petrolyo at tugunan ang negatibong epekto ng madalas at biglaang pagbabago ng presyo sa mga mamimili.
Kaugnay nito sa ilalim ng panukalang batas, mahalagang parte nito ang paglikha ng Budget ng Bayan para sa Murang Petrolyo (BBMP) na isang pondo para sa fuel subsidy.
Ayon sa mambabatas, nasa P10 billion ang ilalaan para sa BBMP.
Kukunin ang pera mula sa sobrang ad valorem tax o import duties ng crude oil at finished petroleum products, incremental dividends, receipts mula sa government corporations at savings ng national government.
Gagamitin naman ang pondo o BBMP para ma-reimburse ang mga kompaniya ng langis sa halaga ng itinaas ng imported crude oil at finished petroleum products na nagresulta mula sa foreign exchange rate adjustments at pagtaas ng presyo ng crude oil sa pandaigdigang merkado at iba pa
Samantala, nirefer ma ang panukalang batas sa House Committee on Energy.