Aprubado na sa House Committee on Higher and Technical Education at Committee on Civil Service and Professional Regulation ang panukala na layong amyendahan ang “Continuing Professional Development (CPD) Act of 2016.”
Inaprubahan na rin ng house panel ang committee report ng substitute bill ng 12 panukalang batas na pinag-isa kaya’t maaari na itong mai-akyat sa plenaryo.
Batay sa approved version, ang CPD ay magiging requirements hindi lang para sa license renewal ng isang propesyunal ngunit bahagi rin ng career progression.
Maaari naman itong suspindihin sa panahon ng pandemiya, kalamidad o national emergency.
Ilang professionals din ang exempted sa mandatory CPD training.
Kabilang dito ang mga newly licensed o registered professionals na mag-re-renew sa unang pagkakataon, overseas Filipino workers (OFWs) at senior citizens na hindi na engaged o nagpa-practice ng kanilang propesyon.
Nakapaloob din sa panukala ang in-service training para sa mga guro bilang bahagi ng kanilang CPD gayundin ay inatasan ang iba’t ibang government departments at agencies at pribadong kompanya na makipag-ugnayan sa Professional Regulation Commission (PRC) para makapag-kasa ng libre o abot-kayang CPD seminars at trainings.