Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang amiyenda sa Motor Vehicle Road Users’ Tax (MVURT).
Sa botong 239 na “yes,” limang “no” at isang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6136, na inaasahang magbibigay ng P210 billion na karagdagang kita sa pamahalaan kapag naisabatas.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Rep. Joey Sarte Salceda, pangunahing may-akda ng panukala, malaking bahagi ng kikitain dito ay mapupunta sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Progresibo aniya kung ituring ito dahil pawang mga mayayaman ang magbabayad nang itinaas na buwis sa mga sasakyan habang mga mahihirap naman ang higit na makikinabang sa benepisyong kaakibat nito.
“55.6 percent of all cars are owned by the top 10 percent of the population, while only 1.7 percent are owned by the bottom 30 percent. This makes this tax extremely progressive. Let’s make the primary road users pay for road use,” giit ni Salceda.
Sa oras na maging ganap na batas, magkakaroon ng annual rate increase na 30 percent sa mga passenger cars sa loob ng tatlong taon.
Ang rates naman ng utility vehicles, SUVs, bus, truck at tralers ay ibabase sa kada kilo ng gross vehicle weight (GVW).
Sa unang taon, P1.40 kasa kilo ng GVW ang ipapatas, P2.50 kada kilo ng GVW sa ikalawang gain, at P3.40 kada kilo naman ng GVW sa ikatlong taon.
Para matiyak na hindi maapektuhan ng inflation ang kikitain ng pamahalaan dito, magkakaroon ng 5 percent annual increase simula Enero 1, 2023 sa pamamagitan ng revenue regulations na ilalabas ng Secretary of Finance.
Ang kikitain dito ay ilalaan ng pamahalaan sa modernization ng mga public utility vehicles at sa mga programa para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
“Siguradong hindi na Php 50,000 lang ang matatanggap na subsidy ng mga jeepney driver para magmodernize. Alam naman natin na napakaliit noon. Sa ilalim ng MVRUT, baka dumoble, triple, o higit pa ang matanggap ng mga jeepney operator, depende sa kikitain ng buwis,” dagdag pa nito.