Lusot na sa komite sa Kamara ang panukalang taasan ang Motor Vehicle Road Users’ Tax (MVRUT).
Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda, ang House Bill 4695 na ipapadala sa plenaryo ng Kamara ay inaasahang makakalikom ng karagdagang P40 billion na kita para sa pamahalaan sa loob ng tatlong taon.
Sinabi ni Salceda sa pagsapit ng 2020, inaasahan na kikita rito ang pamahalaan ng P8 billion, habang P12 billion naman sa 2021, at P20 billion pa sa 2022.
Didiretso ang kita na ito sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program at sa orihinal na mandalto ng MVUC.
Iginiit ni Salceda na 2004 pa nang huling nagkaroon ng adjustment sa MVUC rates.
Sa ilalim ng panukala, ang mga sasakyan na may gross vehicle weight (GVW) na lagpas sa 1,600 kilo ang bigay ay sisingilin ng P2,080 sa 2020; P2,560 sa 2021; at P3,040 sa 2022
Ang mga pampasaherong sasakyan na may GVW lagpas ng 1,600 kg pero hindi lalagpas sa 2,300 kg ay: P4,680 sa 2020; P5,760 sa 2021 at P6,840 sa 2022 habang ang GVW lagpas ng 2,300 kg ay P10,400 sa 2020, P12,800 sa 2021 at P15,200 in 2022.
Nakasaad din sa panukala na magkakaroon ng P1.40 unitary tax per kilogram ng GVW na ipapataw sa utility vehicles, sports utility vehicles, buses, truck at trailers simula 2020 hanggang 2023.
Samantala, ang mga motor na walang sidecar na may engine displacement na 400cc at higit pa, ay magkakaroon ng bagong tax rate na: P312 sa 2020, P384 sa 2021 at P456 sa 2022.
Ang tax rates naman para sa mga motor na may sidecar ay P390 sa 2020, P480 sa 2021 at P570 sa 2022.