-- Advertisements --

Tinatayang aabot sa P56 billion ang matitipid sa remittance fees ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa oras na maging ganap na ang panukalang 50 percent discount para rito.

Lusot na kasi sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 7951, na iniakda ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. 

Ayon kay Gonzales, aabot sa $28 billion o P1.4 trillion ang halaga ng pera na naipadala ng mga OFWs papasok ng Pilipinas noong 2017.

Dumaan ang halagang ito sa mga official channels, kung saan nagbabayad ang mga OFWs ng remittance charges mula anim na porsiyento hanggang 10 porsiyento, o average na eight percent, ng halagang kanilang pinadala.

“At eight percent, the total cost of remitting the P1.4 trillion to OFW families amounted to P112 billion. Cutting that by half would mean an additional P56 billion in the pockets of OFWs families, money they could spend for necessities,” ani Gonzales.

Sa ilalim ng kanyang panukala, sinabi ni Gonzales na ang 50-percent discount na ibibigay ng mga bangko at remittance centers ay maaring ibawas naman sa kanilang gross income para sa kanilang babayarang buwis sa pamahalaan.

Pinagbabawalan naman silang taasan ang kanilang sinisingil na fees sa kasalukuyan na hindi dumaan sa konsultasyon sa Department of Finance (DOF), Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Sinumang lalabag dito ay makukulong ng dalawang buwan at isang araw hanggang 12 taon, dipende sa gravity ng paglabag.

Bukod sa criminal liability, papatawan din ng sanctions ng BSP ang mga bangko at iba pang remittance centers na susuway sa itinatakda ng panukalang batas.

Inaatasan naman ang BSP, DOF, POEA at iba pang concerned agencies na turuan ang mga OFWs at pamilya ng mga ito sa kung paano humawak ng pera.