Iprinisenta ng Comission on Higher Education (CHED) sa Senado ang isang consensus bill na naglalayong gawing dalawang taon ang mandatory national citizens’ service training program (NSTP) at apat na taon naman para sa optional Reserve Officers Training Corps (ROTC) program.
Sa pagdinig sa Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, sinabi ni Commission on Higher Education Director Spocky Farolan, binalangkas ang naturang panukala matapos ang ilang serye ng diskusyon sa naturang usapin.
Ayon pa kay Farolan na kapag naipasa bilang batas ito ay magiging institusyunal ang dalawang taong mandatory national citizens’ service training program sa tertiary education gayundin sa higher education.
Magiging saklaw din ng mandatory NSTP ang vocational courses na iniaalok ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) na gagawin ng dalawang taon.
Sa 4-year voluntary ROTC program naman, magiging daan ito para makapag-produce ng mga opisyal para sa regular at reserve force.
Magugunita, sa kaniyang unang state of the nation address, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na magpasa ng isang batas na nagmamandato sa ROTC program para sa senior high school students