-- Advertisements --

Umusad na sa Senado ang panukalang magkaroon ng alternatibo sa pagmamano, bilang simbolo ng respeto sa mga nakakatanda.

Batay sa Senate Bill 2043 na inihain ni Sen. Richard Gordon, layunin umano nitong ma-institutionalize ang paraan ng pagbibigay galang, upang maging “new normal” na ito sa ating bansa.

Kung ang pagmamano aniya ay may direktang contact sa kamay at noo, ang bagong simbolo ng paggalang naman ay ilalagay ang kamay sa dibdib at dahan-dahang yuyuko.

Ang bagong paraan ng pagpapakita ng respeto ay angkop umano ngayong may COVID-19 pandemic at maging sa mga darating na panahon, upang mapairal pa rin ang physical distancing.

Bahagya namang naging emosyunal si Gordon sa kaniyang pagsasalita, nang mabanggit ang yumaong kapatid nito kahapon na si dating Olongapo Mayor Bong Gordon.