-- Advertisements --

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang magtatatag sa bago at ligtas na pamamaraan nang pagbati ng mga Pilipino sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kagabi, Enero 29, kabuuang 212 mambabatas ang pumabor, habang isa naman ang tumutol sa House Bill No. 8149 o ang proposed Bating Filipino Para sa Kalusugan Act.

Sa ilalim ng panukalang iniakda ni Marikina 1st District Rep. Bayani Fernando, inirerekomendang batiin ng mga Pilipino ang kapwa nito sa pamamagitan nang paglagay nang kanang kamay sa gitna ng dibdib na sasabayan nang pagyuko ng ulo.

Dapat nakapikit ang mata ng taong gumagawa nito, base sa naturang panukala.

Iginigiit ng House Bill 8149 na inaasahang i-promote ng pamahalaan ang maayos na kalusugan at pangangatawan ng bawat mamamayan, kaya kailangan na magtakda ng standards ng social contact gaya nang ligtas at wastong gesture sa pagpapahayag nang pagbati.

Gayunman, hindi naman strikto ang naturang panukala dahil hindi naman nakasaad dito na paparusahan ang sinumang hindi susunod sa ipinapanukalang pamamaraan nang pagbati.