Naghain si Speaker Lord Allan Velasco ng panukala na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang nakatakdang pagtaas ng contribution rates sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Social Security System (SSS) lalo na kung may umiiral na national emergency sa bansa.
Layunin ng House Bills 8316 at 8317 na amyendahan ang Republic Act 11223 o Universal Health Care Act at RA 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Nananawagan ito na aprubahan ang parehong panukala upang hindi na madagdagan pa ang problema ng mga Pilipinong manggagawa na apektado rin ng coronavirus pandemic.
Sa ilalim ng mga naturang panukala, maaaring suspendihin ng Presidente ang implementasyon ng nakatakdang pagtaas ng premium rates para sa publiko.
Subalit kailangan muna nitong kumonsulta sa mga secretary ng Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF) bilang chairpersons ng PhilHealth at SSS.
Ayon pa kay Velasco, sa pamamagitan ng mga panukalang ito ay matutulungan din ang mga Pilipino na nakararanas ng negatibong epekto ng pandemya para hindi na nila isipin kung saan kukuha ng pambayad sa PhilHealth.
Dagdag pa ng mambabatas, nananatili sa 8.7 percent ang unemployment rate sa bansa o katumbas ito ng 3.8 milyong Pinoy sa labor force.
Binigyang-diin pa nito na ang social justice provisions sa 1987 Philippine Constitution ay isinulat para maiwasan ang double economic jeopardy ng mga Pilipino sa oras ng krisis.