Nanawagan sa iba’t ibang bansa si World Health Organization (WHO) Director General Tedros Ghebreyesus upang makiisa sa isinusulong nitong mga hakbang upang siguraduhin na magkakaroon ng pantay na access ang mga bansa sa coronavirus vaccines.
Sa isinagawang press briefing ng international body, nagbabala si Ghebreyesus tungkol sa mga bansa na nagmamadaling bumili ng bakuna para sa kanilang sariling mamamayan.
“Vaccine nationalism only helps the virus,” wika nito.
Aabot na umano sa 172 bansa ang kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa COVID-19 Vaccine Global Access Facility o COVAX Facility kung saan layunin nito na makapagbigay sa lahat ng bansa ng equitable access sa bakuna.
Ang pag-iinvest aniya sa COVAX Facility ay ang pinakamabilis na paraan upang tuldukan ang pandemic at siguraduhin ang sustainable economic recovery.
Inilunsad ito ng WHO katuwang ang Gavi, ang Vaccine Alliance, isang international group na kumikilos para i-promote ang vaccination sa mga developing countries.
Nakasaad sa website ng Gavi ang mga bansa na nagpakita na ng interes sa nasabing pasilidad, kasama na rito ang Japan, United Kingdom at Canada subalit hindi parte rito ang Estados Unidos at China.