Kinondena ng mga world leaders at sangay ng gobyerno ang naging desisyon ni President Donald Trump na pansamantalang itigil ang pagbibigay ng pondo sa World Health Organization.
Ito ay dahil sa di-umano’y hindi maayos na pangangasiwa ng ahensya hinggil sa pagkalat ng coronavirus sa buong mundo.
Ayon kay United Nations Secretary-General Antonio Guteres, hindi raw ito ang tamang panahon para bawasan ang resources ng mga operasyon ng WHO.
Aniya ito raw ay oras para magkaisa ang international community para labanan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
Hindi rin naitago ni New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern ang pagkadismaya sa ginawang hakbang ng Republican president.
Para kay Ardern, mas kinakailangan ngayon ng bawat bansa ang tama at konkretong impormasyon na ipinapahatid ng ahensya dahil dito umano sila bumabase ng mga patakaran na ipinatutupad sa kani-kanilang mga bansa.
Naiintindihan naman ni Australian Prime Minister Scott Morrison ang mga kritisimong ibinato ni Trump sa WHO. Tulad na lamang ng ipinakita nitong suporta sa muling pagbubukas ng mga wet markets sa China kung saan kinakatay at binebenta ang mga hayop.
Ngunit ayon kay Morrison, malaki ang ginagampanang papel ng ahensya sa krisis na kinakaharap ng buong mundo.