-- Advertisements --
robin padilla2

Inirekomenda ni Senator Robin Padilla sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na gumawa ng paraan para matuldukan ang panlilimos ng mga katutubong indibidwal o indigenous people (IPs) tuwing Pasko sa mga kakalsadahan ng Metro Manila.

Ginawa ng Senador ang naturang pahayag kasabay ng pagdinig ng Senate finance sub-committee panel sa proposed 2023 budget ng DSWD.

Ayon pa sa Senador na tila walang katapusang cycle aniya ng IPs partikular ang mga Badjaos at iba pang indigenous people na pwersahang nagtutungo sa Metro Manila tuwing Pasko at isinusugal ang kanilang buhay para makapanlimos.

Ipinunto ng Senador na mayroong mga programa ang DSWD tulad ng livelihood program at inirekomenda na kung maaari ay turuan ang mga katutubo nating kababayan na maghanapbuhay ng hindi nalalagay sa peligro ang kanilang buhay.

Sa panig naman ng DSWD, sinabi ni Secretary Erwin Tulfo na kanilang palalakasin pa ang Balik Probinsiya at ang Kalahi-CIDSS program para matulungan ang mga IPs sa oras na makabalik ang mga ito sa kanilang mga pinanggalingang lugar.

Dapat aniya na maipatupad na ang mga programang ito ngayong taon para hindi na bumalik pa sa susunod na taon ang mga ito sa Metro Manila.

Sa panig naman ng NCIP , sinabi ni chairman Allen Capuyan na plano niilang tularan ang programa ng Davao city government kung san nagtitipun-tipon ang mga IPs para sa cultural presentation at kung saan nagtutungo din ang mga donors at sponsors.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sanayin ang mga IPs.