-- Advertisements --

Lalo pang lumawak ang mga bitak sa lupa sa ilang bayan sa probinsya ng Batangas bunsod nang paggalaw ng lupa dahil sa nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Taal.

Batay sa bulletin na inilabas ng PHIVOLCS, sinabi nito na bukod sa paglawak ng mga bitak sa lupa sa bayan ng Lemery, Agoncillo, Talisay, at San Nicolas ay mayroon ding nakitang bagong steaming fissure naman sa northern slopes ng Taal Volcano island.

Patuloy din aniya ang pag-recede ng tubig sa shoreline sa palibot ng Taal Lake.

Samantala, aabot naman sa 65 volcanic earthquake ang naitala mula alas-5:00 ng umaga kahapon hanggang kaninang alas-5:00 ng umaga batay sa datos ng Philippine Seismic Network.

Dalawa sa mga ito ay may magnitude 1.3 at 3.1 at kapwa naramdaman sa Intensity 1, ayon sa PHIVOLCS.

Dahil dito, umakyat na sa 634 ang kabuuang bilang ng mga volcanic earthquakes na naitatala ng Philippine Seismic Network magmula nang magkaroon ng phreatic eruption ang Taal Volcano noong Linggo, Enero 12, 2020.

Sa ngayon, nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa Taal Volcano.