-- Advertisements --

Nakaalarma at nakagagalit ang panibagong pagtatangka na i-hack ang isang government website.

Ito ang pag-amin ni Senadora Grace Poe na bagama’t naagapan ng Department of Information and Communications Technology ang pagtatangka, paaalala naman ito sa lahat na nagpapatuloy at katunayan ay mas tumindi pa ang cyber attacks.

Kailangan anyang kumilos ang mga tanggapan ng pamahalaan laban sa pinaghihinalaang source ng threat sa ating privacy at security.

Ipinaalala pa ni Poe na ang pagpapalakas ng firewall ng website at ng sistema ay mandato ng lahat ng ahensya ng gobyerno na nagpapanatili ng kanilang online presence.

Dapat gawin aniya ang lahat ng paraan upang mapanatiling ligtas ang datos ng taumbayan at hindi makokompromiso.

Una nang ibinunyag ng DICT na naagapan nila ang pagtatangkang pag-hack sa website at email addresses ng ilang ahensya ng gobyerno ng mga umano’y China-based cybercriminals.