KORONADAL CITY – Boluntaryong sumuko sa mga otoridad sa lalawigan ng Sultan Kudarat ang isang sub-commander ng New People’s Army (NPA) bitbit ang kanilang mga high powered firearm.
Ayon kay Lieutenant Colonel Allen Van Estrera, Commander ng 37IB Philippine Army, ang panibagong leader at kasapi ng rebeldeng NPA ang kasapi ng Platoon Cherry Mobile ng SRC Daguma, Far South Mindanao Region.
Sumuko ang mga ito kay Camp Bgen. Cesar Betita, Brgy. Tibpuan, Lebak, Sultan Kudarat kung saan bitbit ng mga ito ang high-powered firearms na kinabibilangan ng isang 7.62 mm Rifle at isang Cal .30 Carbine M1 Rifle.
Ayon sa sub-commander na si alyas Mike, nagdesisyon sila na sumuko dahil sa hirap ng buhay sa kabundukan at sa tagal ng panahon din na sila ay nagtatago.
Sa ngayon, nasa mahigit isandaang mga rebeldeng NPA na ang sumuko sa mga otoridad sa Sultan Kudarat.