Ipina-deport ng gobyerno ng Pilipinas ang isa pang batch ng mga ilegal na manggagawa sa Philippine offshore gaming operator (POGO) na inaresto sa isang scam hub sa Pasay City ilang buwan na ang nakalipas.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) officer Ronaldo Mendoza, ito ang ikatlong batch ng mga deportee, at lahat sila ay mga Chinese.
Sinabi ni Mendoza na ang unang batch ng mga deportees ay kinabibilangan ng 75 Chinese na ngayon ay pawang blacklisted at umalis noong Setyembre 22, habang ang pangalawang batch ay 14 na Malaysian nationals.
Idinagdag ni Mendoza na ang mga Chinese deportees ay patungong Nanning City, China.
Sinabi ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz na ito ay resulta ng operasyon ng inter-agency task force sa pangunguna ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, DOJ, Bureau of Immigration, NBI at PNP laban sa Rivendell Global Gaming Corporation, isang POGO site sa Pasay City na may kanseladong permit.
Giit ni Cruz sa kanilang pagdating sa Nanning City, 36 Chinese deportee ang ikukulong ng higit sa isang buwan habang iniimbestigahan.
Una nang sinabi ng mga kinauukulan na hindi nila papayagan ang mga ilegal na aktibidad sa Ph at pagbabawalan silang bumalik sa bansa.