-- Advertisements --
Duterte SONA 2019
Duterte

DAVAO CITY – Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang distribusyon ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) para sa mga Agrarian Reform beneficiaries na isinagawa sa Davao City Recreation Center.

Saklaw ng “Mindanao-wide Turnover and Distribution of Certificates of Land Ownership Award to Agrarian Reform Beneficiaries” ang pinakaunang ceremonial turn over ng 58,387 CLOA ng Land Bank of the Philippines patungo sa Department of Agrarian Reform kung saan 60,233 na mga agrarian reform beneficiaries mula sa limang rehiyon ng Mindanao ang nakatanggap ng nasabing mga titulo ng lupa kung saan aabot ito sa 102,727 ektarya.

Isinagawa din ang ceremonial distribution ng 1,361 na mga CLOA para sa 1,709 na mga ARBs mula sa rehiyon ng Dabaw na may kabuuang 1,452 ektarya ng lupa.

Ang nasabing mga CLOA ay mula sa 1,179 ektarya na mula sa mga partitioned CLOA at 182 hectares naman mula sa mga private agricultural lands na nakuha sa mga huling buwan ng taong 2018 at mga unang buwan ng 2019.

Ang distribusyon ng mga nasabing titulo sa mga farmer beneficiaries ay isa sa mga hakbang upang makumpleto ang implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa pamamagitan din nito, masisiguro din ang pagmamay-ari ng mga ARBs sa mga lupang ibinigay sa kanila.

Tinatayang nasa 2,000 na mga ARB representatives mula sa limang rehiyon ng Mindanao ang pumunta sa nasabing aktibidades kasama ang mga opisyal at personahe mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA), Land Bank of the Philippines (LBP) at ilang mga partner agencies gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Registry of Deeds.