Tiwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa liderato ni Secretary Renato Solidum sa Department of Science and Technology (DOST) sa harap ng isinusulong ng kanyang administrasyon na palakasin ang Science and Technology ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, sa ilalim kasi ng pamumuno ni Solidum sa ahensya ay makakamit ang target ng bansa na maging isang center for excellence ang Pilipinas sa research and development.
Kasabay nito ay ang pagtiyak ng Chief Executive ng kanyang buong suporta sa lahat ng inisyatibo ng DOST na may kinalaman siyensiya at teknolohiya lalo’t target din aniya ng pamahalaan na makamit sa lalong madaling panahon ang magandang bukas ng bansa sa larangan ng agrikulutura.
Binigyang-diin ng Pangulo na innovation na ang labanan at ito na ang magsisilbing lifeblood of survival sa mga darating na panahon.
Si Solidum na isang geologist at kilala sa pagbibigay ng update sa tuwing may mga aktibidad ang iba’t ibang mga bulkan sa bansa ay mahabang naglingkod sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) hanggang sa italaga ni Pangulong Marcos bilang DOST secretary nitong nakaraang Agosto.