Naglaan ang national government ng P74.4 billion fund para sa Bangsamoro region para sa 2023.
Sa kaniyang mensahe sa ginanap na inagurasyon ng Bangsamoro Transition Authority Parliament, sinabi ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patunay ito na tuloy-tuloy ang pagsuporta ng pamahalaan.
Tiniyak ng Pangulo na makukumpleto ang mga programang sinimulan nang ipatupad sa BARMM o ang PAMANA program o Payapa at Masaganang pamayanan.
Ang Pamana program ay proyekto ng national government sa pamamagitan ng DSWD para sa pagbibigay ng basic services sa mga lugar na apektado ng giyera.
Sa katunayan, sinabi ng Pangulo na mula 2017 hanggang ngayong taon ay mayroong mahigit P19 billion pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa Pamana program sa BARMM kahit pa naantala ang mga ito dahil sa pandemya ng COVID-19.
Kasabay nito ay hinikayat naman ng Pangulo ang BARMM na ipasa ang lahat ng mahahalagang panukalang batas hinggil sa fiscal policy ng rehiyon lalo na sa larangan ng pagbubuwis at ang pagsasagawa ng eleksyon sa BARMM sa taong 2025.
Maliban dito, mahalaga ayon sa pangulo na magpasa rin ng batas na titiyak sa kapakanan ng Moro people lalo na sa sektor ng agrikultura, pangisda, healthcare, transportasyon, komunikasyon, digital infrastructure at E-governance.
Pinasalamatan din ng pangulo ang lahat ng stakeholders at iba pang mga ka-partner mula sa iba’t-ibang kapuluan na nagsusulong ng prosesong pangkapayapaan para sa pag-unlad ng BARMM.