Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ilang aktibidad ngayong Lunes.
Batay sa advisory ng Palasyo ng Malacanang, unang dadalo si President Marcos sa inaugural executive committee meeting sa Department of Agriculture (DA) na kaniya ring pinamumunuan.
Alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali isasagawa ang inaugural committee meeting sa Convention Hall ng Bureau of Soil and Waste Management Office sa Visayas Avenue Cor. Elliptical Road, Diliman Quezon City.
Habang ang pangalawang aktibidad na dadaluhan ng pangulo ay ang change of command ceremony ng Presidential Security Group (PSG) na gagawin sa PSG Grandstand sa Malacanang Park sa Maynila.
Ito ay idaraos alas-3:00 ng hapon mamaya, kung saan papalitan ni Col. Ramon Zagala si BGen Randolph Cabangbang bilang PSG Commander.