Positibo ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa magiging resulta ng kanyang pagdalo sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland.
Ang Pangulong Marcos kasama ang kanyang buong delegasyon ay dumating sa Zurich International Airport dakong alas-4:28 ng hapon sa naturang bansa o alas-11:28 ng kagabi dito sa Pilipinas lulan ng flight PR 001.
Tiniyak ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na sasamantalahin nito ang pagdalo sa World Economic Forum 2023 sa Davos, Switzerland para makapaakit ng mas maraming investments sa bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang World Economic Forum ay magho-host daw kasi ng Country Strategy Dialogue at sa pamamagitan nito ay mabibigyan sila ng oportunidad na mai-promote ang Pilipinas bilang leader at driver of growth.
Sisiguraduhin din umano nitong magiging gateway ang Pilipinas sa Asia-Pacific region na isa sa mga bukas sa pagnenegosyo na handa ang bansa na mapunan ang regional at global expansion plans ng foreign at Philippine-based enterprises.
Kaakibat nito ang competent at well-educated Filipino workers, mga managers at professionals.
Kahapon nang tumulak ang Pangulong Marcos sa Switzerland.
Dagdag ng Pangulo, titignan din umano nito ang mga partners sa World Economic Forum na makatutulong sa pagtatayo ng mas maraming infrastructure at pagsigurong mayroong sapat na pagkain maging ng energy security.
Dadalo ang Pangulong Marcos sa Forum matapos imbitahan ni World Economic Forum Founder at chair emeritus Professor Klaus Schwab.
Unang nagkita si Pangulong Marcos at chair emiritus Schwab sa sidelines ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meetings na ginanap sa Phnom Penh at Bangkok sa Thailand noong Nobyembre.
Gaganapin ang World Economic Forum sa Davos, Switzerland mula ngayong araw Enero 16 hanggang 20, 2023.
Ito ang unang in-person World Economic Forum mula nang nagsimula ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic noong 2020.
Bilang international organization para sa public-private cooperation, kabilang sa mga tinatalakay sa forum ang political, business, cultural at iba pang leaders ng society para sa pagpapaganda sa global, regional at industry agendas.
Sumakay si Pangulong Marcos sa Villamor Air Base sa Pasay City bago mag-alas-9:00 ng umaga kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos maging ang mga economic team ng administrasyon.
Kabilang naman sa mga dumalo sa send off ceremony ni Marcos si Vice President Sara Duterte, Armed Forces of the Philippines chief General Andres Centino, Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr, Cabinet secretaries, dating President Gloria Macapagal-Arroyo at Speaker Martin Romualdez.