Nagpahayag ng saloobin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr kaugnay sa naging resulta ng May 2025 national and local elections.
Matapos maproklama ang “Magic 12” na mga senador sa katatapos lamang na halalan, sinabi ni Marcos na sana raw ay mas maganda ang naging resulta ng eleksyon.
Ngunit aniya may susunod pang pagkakataon para lumaban.
Sa 12 mga senador na nanalo, anim dito ang inendorso mismo ng pangulo sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Sila ay sina: Lito lapid, Erwin Tulfo, Panfilo “Ping” Lacson, Vicente “Tito” Sotto III, Pia Cayetano, at Camille Villar.
Kabilang din sa naproklama sa 12 mga nanalong senador ang presidential sister na si Senadora Imee Marcos—na dating kabilang sa administration slate ngunit kalaunan ay piniling maging independent candidate.
Ngayong tapos na ang halalan, nanawagan si Marcos na isantabi muna ang pulitika at pagtuunan ng pansin ang tunay na mga isyung kinakaharap ng bansa.