Umaabot sa 10 bilateral meetings ang inaasahang dadaluhan ni pangulong Ferdinand Marcos Jr sa sidelines ng kanyang biyahe sa brussels Belgium sa susunod na linggo para sa ASEAN-EU summit.
Sa pre-departure briefing sa malakanyang, sinabi ni Department of Foreign Affairs assistant secretary Daniel Espiritu na bukod sa hari ng Belgium kung saan maglalatag sila ng cooperation agreement para sa sektor ng agrikultura at renewable energy, mayroon din itong bilateral meeting sa lider ng Estonia para sa cyber cooperation at extradition treaty.
May bilateral meeting din ang pangulo sa Czech republic para talakayin naman ang defense cooperation at proposed technical transfer on defense program.
Kasama rin sa makakausap ng pangulo ang lider ng espanya, na silang magsisilbing EU council president para sa kalahating taon ng 2023, at inaasahang magsasara ito ng defense cooperation.
Ayon pa kay Espiritu, kasama rin sa bilateral meetings ng pangulo ang Denmark, para naman isulong ang maritime cooperation, at shipbuilding.
Makikipag pulong din ito sa Germany, Poland, Finland, Netherlands, at European Union.
Samantala, inaasahan ding matatalakay sa pagtitipong ito ang ilan pang isyu tulad ng south china sea, unclos, patuloy na giyera ng Russia at Ukraine.
Pasok din sa mga diskusyon ang hinggil sa post pandemic at public health recovery, economic recovery, enerhiya at seguridad sa pagkain, pagtugon sa pagkabalam ng supply chain, digital economy, climate change action, biodiversity management, at pagpapaunlad sa Micro, small and medium enterprises (MSMEs).