-- Advertisements --

Pinaghihinalaan ngayon ng mga opisyal ng Ukraine na may kinalaman ang Russia sa pagpatay sa dating parliamentary speaker na si Andriy Parubiy, matapos maaresto ang suspek na sangkot sa pamamaril.

Naaresto ang suspek, 52-anyos, sa Khmelnytskyi region, ayon sa Interior Ministry.

Nagkunwari umanong courier ang suspek bago barilin si Parubiy ng walong beses sa lungsod ng Lviv noong Sabado.

Bagama’t wala pang konkretong ebidensya, iginiit ng mga opisyal gaya ni Vadym Onyshchenko ng SBU intelligence na maaaring isang “contract killing” ang naisakatuparan na may impluwensya umano ng mga Russian security services.

Nabatid na si Parubiy, 54, ay naging speaker ng Ukrainian parliament mula 2016 hanggang 2019 at isa sa mga pangunahing personalidad sa mga naging protesta noong 2013-2014 na humantong sa pagbagsak ng pro-Russian president na si Viktor Yanukovich.

Nagsilbi rin siya bilang kalihim ng National Security and Defense Council noong panahon ng pagsakop ng Russia sa Crimea.

Batay pa sa naging imbestigasyon ng pampabansang pulisya, maingat daw ang ginawang pag-plano sa krimen, kabilang na ang pag-aaral sa galaw ni Parubiy at paghahanda ng escape route.