-- Advertisements --

Inamin ng National Police Commission na batay sa kanilang mga ulat Lumalabas na may kaugnayan sa madugong war on drugs campaign ng administrasyong Duterte ang ilan sa mga pulis na itinuturong sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ginawa ng Napolcom ang pahayag sa briefing ng House Committee on Human Rights patungkol sa isyu ng “missing sabungeros”.

Sa interpelasyon ni Human Rights Panel Chairman Bienvenido Abante Jr., pinakukumpirma nito sa NAPOLCOM ang impormasyon na may dalawa mula sa labingwalong pulis na idinawit ng whistleblower na si Julie Dondon Patidongan ang sangkot din umano sa reward system ukol sa drug war.

Sagot ni NAPOLCOM Vice Chairman at Executive Officer Atty. Rafael Calinisan, may mga pangalan ng pulis na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero na tinukoy ng kaanak ng mga biktima ng madugong kampanya kontra droga.

Sa ngayon aniya ay hinihintay pa nila na magsampa ng kaukulang reklamo ang kaanak ng mga biktima.

Nilinaw din ni Calinisan na anim sa labingwalong pulis ay natanggal na sa serbisyo ngunit ang mga kaso ay walang kinalaman sa mga sabungero.

Isinailalim muna sa preventive suspension ang labindalawang pulis at nahaharap sa administrative charges.