-- Advertisements --

Maglalabas ng nasa 1.2 million bags o 100, 000 metric tons ng local rice ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng auction, ngayong linggo.

Ayon kay Palace Press Officer Usec Claire Castro, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na pagtibayin pa ang food security sa Pilipinas.

Sinabi ng Palace official na layunin ng auction na paluwagin ang mga bodega upang makapag-imbak pa ng karagdagang supply ng bigas.

Aniya, inaasahang a-abot sa PhP25 to PhP28 pesos per kilo ang floor price ng bigas depende sa edad nito.

Sa kabila nito, maaari aniyang i-release ang 100, 000 tons ng bigas, upang palawakin rin ang Benteng Bigas Meron na program ng Marcos Administration, na makakatulong sa pagbabantay sa presyo ng bigas sa merkado.

Sabi ng opisyal, mahigpit ang ginagawang monitoring ng DA sa presyo ng bigas, laban sa mga posibleng manamantala dito.  

Naninindigan naman ang DA na hihigpitan ng ahensiya ang pag-monitor sa presyo ng bigas upang matunton kung sino ang mga mapang-abusong balak magmanipula ng presyo.

Patuloy sa ngayon ang konsultasyon ng ahensiya sa mga magsasaka, millers at traders para maiwasan ang price manipulation sa bigas at ayusin ang estado sa merkado kahit na mayroong rice import ban.