-- Advertisements --
image 282

Nagpaliwanag ngayon ang isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) kung bakit gusto nilang manatiling Agriculture chief si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gitna ng panawagan ng ilang mambabatas na magtalaga ang pangulo ng permanenteng kalihim ng kagawaran.

Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista, bilang kalihim daw kasi ng DA ay mas madali ang koordinasyon ng Pangulong Marcos sa iba pang ahensiya ng gobyerno.

Ibig daw sabihin nito na mas marami silang mareresolbang mga problema.

Kung maalala, noong Huwebes, sinabi ng pangulo na mananatili itong DA Secretary dahil marami pa raw mga bagay sa kagawaran na ang pangulo lamang ang makakagawa lalo na sa ilang taon nang problema sa departmento.

Sinabi ng Pangulong Marcos na hindi raw ganoon kabilis at kadali na ibalik ang magandang sistema noon sa loob ng DA.

Pero nagpahayag naman ito ng willingness na maghanap ng papalit sa kanya sa sandaling ang functions ng DA ay maayos nang ma-institutionalize at nagawa na ang structural changes.

Sa pinakahuli namang resulta ng PUBLICUS Asia Pahayag 2022 Quarterly Survey noong September 16 hanggang 20, nasa 63 percent ng 1,500 adult Filipinos ang naniniwala sa kakayahan ng Pangulong Marcos na hawakan ang DA portfolio.