Inanunsyo ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo, na nakatakdang bumyahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa Vietnam sa darating na Enero ng taong 2024.
Sinabi ito ni Sec. Manalo sa kanyang pagbisita sa naturang bansa para sa ilang aktibidad.
Kabilang sa inaasahang tatalakayin nina Pangulong Marcos at Vietnamese President Vo Van Thuong ang hinggil sa pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at Vietnam, kasama na ang isyung pang-agrikultura.
Ang DFA chief ay dumadalo sa 10th Philippine Viet Nam Joint Commission for Bilateral Cooperation.
Bukod dito, dadalo rin si Manalo sa 2nd Philippines-Lao Joint Commission on Bilateral Relations.
Makikipagpulong din ang opisyal sa diplomatic community upang magbigay ng talumpati sa Institue of Foreign Affairs na may temang “Closer Together: People at the Center of Philippines-Laos Relations.”
Hindi pa naman nabanggit kung pag-uusapan din sa mga pulong ang tungkol sa West Philippine Sea.